Hospital binulabog ng bomb threat

MANILA, Philippines – Binulabog ng bomb threat ang isang hospital matapos ang pagbabanta sa text messages na sasabog na ang bomba anumang oras sa Barangay Poblacion, bayan ng Rosario, Batangas kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng Batangas PNP na isinumite sa Camp Crame, bandang alas-5:30 ng hapon nang makatanggap ng text message ang security guard ng Palma–Malaluan Hospital na may sasabog na bomba kaya tumawag ito sa himpilan ng pulisya.

“ Sasabog ang ospital me bomba Malaluan mukhang pera kayo,” nakasaad sa text message sa cellular phone #09466551765 na natanggap ng naka-duty na guwardiya  bandang alas-3:27 ng hapon.

Gayon pa man, nagpanik ang mga pasyente at ma­ging ang mga hospital staff kung saan agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Explosives and Ordinance Team ng Regional Bomb Squad sa pamumuno ni SPO2 Jermie Blanco bitbit ang mga K9 dogs.

Ilang oras na ininspeksyon ang buong bahagi ng nasabing ospital kung saan napatunayang negatibo sa bomba at bomb free.

Patuloy naman ang im­bestigasyon upang matukoy  ang nasa likod ng bomb text messages.

Show comments