MANILA, Philippines – Apat-katao kabilang ang dalawang opisyal ng barangay ang napatay matapos tambangan ng mga di-kilalang kalalakihan sa bahagi ng Gandara river sa bayan ng Gandara, Samar noong Biyernes ng umaga.
Kinilala ang mga napatay na sina Kagawad Michael Ocong, 41; Kagawad Alvin Casaljay, 25, mga nakatira sa Barangay Beslig; Pepe Ocong, 55, asawa ni Chairwoman Maria Ocong; at ang 18-anyos na si RR Ocong.
Samantala, kritikal naman ang 49-anyos na si Aquino Ocong na kasalukuyng binabantayan ng pulisya kung saan pinaniniwalaang makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga suspek.
Base sa police report, naglalayag ang mga biktima sa Gandara River patungong town proper nang ratratin ng grupo ng kalalakihan.
Nakaabot naman sa himpilan ng pulisya ang naganap na insidente matapos ipagbigay-alam ni Sgt. Cortez ng Cafgu Detachment ang impormasyon mula kay Barangay Tanod Tito Lomentigar ng Barangay Beslig.
Kinumpirma naman ni Samar Governor Sharee Ann Tan na ang mga biktima ay kanyang tagasuporta subalit hindi nagbigay ng komento kung may kaugnayan sa pulitika ang pananambang.
Sinisilip naman ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa pagpatay kay Barangay Chairman Alex Reposar at kanyang anak na batang lalaki at driver ng motorized banca noong nakalipas na taon ang naganap na pagpatay kay Ocong. Freeman News Service