MANILA, Philippines – Apat na miyembro ng teroristang Abu Sayyaf Group ang nasakote sa patuloy na opensiba ng militar laban sa teroristang grupo sa kagubatan ng Sulu kahapon ng umaga.
Kinilala ni Brig. Gen. Alan Arrojado, commander ng Joint Task Group Sulu ang mga suspek na sina Al-Majir Jajiri, 27; Salip Tamad Sakirin, 31; Bagin Hamsi, 28; at si Pola Jumadil, 49.
Sinabi ni Arrojado na ang mga suspek ay nasakote sa magubat na bahagi ng Sitio Puti Sapah sa Brgy. Buhanginan, Patikul bandang alas-9:45 ng umaga.
Samantala, inaalam din ang tunay na pagkakakilanlan ng mga suspek matapos na dalawang identification cards na may magkaibang pangalan ang marekober mula kay Jumadil kung saan sa ID nito na inisyu ng DSWD ay Pola Jumadil habang sa voter’s ID naman ay Ahajani Pula Amilussin.
Nabatid na kuwestiyonable ang presensya ng mga suspek sa lugar malapit sa pinangyarihan ng sagupaan sa pagitan ng tropa ng militar at ng grupo ni Sayyaf Commander Radulan Sahiron sa Barangay Buhanginan.
Sa kasalukuyan, pito pa kabilang ang ilang mga dayuhan ang hawak na bihag ng ASG na itinatago sa nasabing lalawigan.