MANILA, Philippines – Dalawa-katao ang iniulat na namatay dahil sa acute asthma attack na pinaniniwalaang may kaugnayan sa nararanasang haze o usok na nakalalason mula sa forest fire sa Indonesia.
Ayon kay Dr. Antonietta Odi, medico-legal officer ng City Health Office, bigla ang pagkamatay ng dalawang pasyante base sa kanyang ginawang post-mortem examination.
Binawian ng buhay ang dalawa habang nararanasan ng Rehiyon 12 ang haze o nakalalasong usok mula sa Indonesia.
Kaagad namang naglabas ng health advisory ang Department of Health para sa mga apektado ng haze sa Mindanao.
Nagpaalala rin ang DOH na mapanganib ang usok lalo na sa mga bata at matatanda na mayroong asthma at cardiovascular diseases.
Dahil dito, hinimok ng ahensiya ang mga apektadong residente na gumamit ng dust mask sa labas ng bahay at umiwas sa mga physical activities lalo na sa mga heavy polluted areas.
Samantala, ilang flights ng eroplano na papunta at paalis ng Mindanao ang kinansela dahil sa haze o usok na nakalalason mula sa nasusunog na kagubatan sa Indonesia.
Dahil dito, nakipagpulong na ang Civil Aviation Authority of the Philippines at Department of Environment and Natural Resources sa Pagasa upang pag-usapan ang sinasabing haze na gumagapang sa ere ng nasabing lugar.
Ayon kay Roy Jumawan ng Pagasa, napagkasunduan na huwag munang payagan na makalipad ang mga eroplano sa Awang Airport sa Cotabato City, Maguindanao para sa kaligtasan.
Nabatid na lumawak na ngayon ang epekto haze sa Northern Mindanao, Caraga Region, at Southern Mindanao.
Sa pahayag naman ni Edgar Cueto, air traffic control officer ng General Santos Airport, nagkansela rin sila ng ilang biyahe ng eroplano dahil sa halos zero visibility na dulot ng haze.
Ilang biyahe ng Cebu Pacific mula Manila patungong General Santos ay nag-divert sa Davao City.
Gayon pa man, maraming pasahero ng Cebu Pacific flights ang nagrereklamo dahil sa pagkansela ng kanilang biyahe patungong Manila.