MANILA, Philippines - Pinasisibak ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang mag-amang sina Capiz Governor Victor Tanco, Sr. at Vladimir Tanco, security officer III matapos mapatunayang liable sa kasong Grave Misconduct.
Bukod sa pagkasibak sa serbisyo ay hindi na rin pinapayagan na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno kung saan kanselado na rin ang eligibility at hindi tatanggap ng retirement benefits.
Nakakita rin ng probable cause ang Ombudsman para kasuhan ang mag-ama ng paglabag sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) nang mangotong ng P3 milyon mula sa isang contractor.
Sinasabing ang mag-ama ay nagsabwatan sa pangongotong ng P3 milyon mula sa isang Leodegario Labao, Jr. ng Kirskat Venture (Kirskat), contractor ng P 32.9 milyong Mambusao District Hospital project.
Sa affidavit ni Labao, sinabi nito na noong September 19, 2011, pinapunta umano ni Gov. Tanco ang kanyang anak na si Vladimir sa nasabing kompanya para kunin ang P3 milyon kapalit ng pagpapalabas ng bayad ng lokal na pamahalaan sa naturang proyekto at kung hindi maibibigay ang hinihingi ay gagawing blacklisted ang Kirskat.
Dalawang araw makaraan nito, nagpalabas ng tseke na P3 milyon si Labao bilang SOP umano kay Gov Tanco na naipasok naman sa account ni Vladimir.
Makaraan nito, ang lokal na pamahalaan ay nagpalabas naman ng tseke P2.2 milyon noong October 24,2011 para sa Kirskat, bilang 15 percent ng kanilang mobilization fund.
Bunga nito, hindi naman pinaniwalaan ng Ombudsman ang alibi ng mag-ama na utang ang naturang pondo dahil sa mga naipakitang ebidensiya ng complainant na nagtuturo sa pagkikil ng mag-ama sa nasabing kompanya.