Bible study niratrat: 6 patay, 9 sugatan

STAR/ File photo

MANILA, Philippines - Anim-katao  kabilang ang dalawang Army officers ang napaslang habang siyam naman ang nasugatan makaraang pagbabarilin ng isang sundalo na nag-amok sa Bible study sa detachment ng militar sa Upper Cabengbeng, bayan ng Sumisip, Basilan noong Huwebes ng umaga.

Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Philippine Army Spokesman Col. Benjamin Hao, naganap ang pag-aamok ni Corporal Tahiruddinn Taha, 37, ng Indanan, Sulu sa detachment ng Bravo Company ng Army’s 64th Infantry Battalion dakong alas-8:45 ng umaga.

Kinumpirma naman ni Army’s 64th IB Commander  Col. Melisan Recaido na si Taha na may 12-taon na sa  serbisyo ay isang Muslim integree at sinasabing may problema sa pamilya. Kinilala ni Hao ang mga namatay na sina 2nd Lt. Alvin Ebina, Corporal Robert Jondayran, Pfc. Jessrell Calud, 1st Lt. Camlon  Martin Puao, S/Sgt. Jonathan Galicto, at si Corporal Taha. 

Sugatan namang naisugod sa pagamutan sina 1st Lt. Pada Guingar; T/Sgt. Gerry Cardoza, Sgt. Anthony Bentoy, Pfc. Elber Noble, Pfc. Ruel Macalapay, Pfc. Nelson Calambro, Pfc. Junnel Cajote, Pfc. Rolly Espanola Jr. at si Pastor  Rolly Matson.

Bago maganap ang pamamaril, kinulit umano ni Taha na nakauniporme ang kasamahang sundalo sa guard post na siya na ang magbabantay pero tumanggi ang huli dahil alas-12  pa ang duty ng suspek.

Nabatid na abala sa Bible study ang grupo ng mga sundalo sa detachment ng Bravo Company nang bigla na lamang dumating si Corporal Taha bitbit ang M16 rifle saka niratrat ang mga biktima.

Lima sa mga biktima ay kaagad na namatay kabilang ang dalawang opisyal  na isang 2nd at 1st Lieutenant  habang napatay din si Corporal Taha ng mga sundalong rumesponde.

Inilipad na ng chopper ang mga biktima patungo sa Camp Navarro sa Calarian, Zamboanga City.

“We believe it is an isolated incident but we will look closer into its medical and psychological aspect in order to determine the root cause of the case, the Philippine Army  is going to provide necessary assistance to the families of the victims,” pahayag pa ng opisyal.

 

Show comments