MANILA, Philippines - Hindi umano lehitimong mga empleyado ng Philippine Airlines ang isang grupo ng mga nagpapanggap na manggagawa ng PAL na nagbabantang magwelga laban sa kumpanya.
Ito ang paglilinaw sa isang sulat sa Department of Labor and Employment na ipinadala dito ng concerned PAL employees.
Hiniling ng concerned employees sa DOLE na ibasura ang notice of strike na inihain ng isang Gerardo Rivera na hindi na umano konektado sa alin mang opisina ng PAL.
Idiniin ng mga sumulat na hindi na dapat pinapansin ng DOLE ang pabatid ni Rivera dahil mga lehitimong empleyado lang ng PAL ang may karapatang gumawa nito.
“Si G. Gerardo Rivera, na kumakatawan daw as PALEA president ay isang malaking panlilinlang sa publiko at sa Gobyerno. Siya ay isang separated PAL employee base sa pinangunahan at pinirmahan niyang Settlement Agreement between PALEA at PAL noong Nobyembre 14, 2013,” pahayag pa ng grupo.
Sa naturang sulat ay opisyal din na ipinabatid ng PAL workers sa DOLE sa pamamagitan ng mga kinatawan nitong sina Renato Ebio, Mercedes Ines, Emelyn Ponayo, Teodoro Jordan, Danilo Hermoso at Arnel Mangalindan na hindi awtorisado ng kanilang hanay si Rivera para ito ay ikatawan.
Mismong si Rivera lamang umano ang nagpakana ng notice of strike at ni hindi ito napag-usapan man lamang sa mga pagpupulong ng mga miyembro ng board ng PALEA taliwas sa umiiral na sistema na lahat ng kanilang aksiyon ay dapat na idinadaan muna sa malawakang konsultasyon.
Target umano ni Rivera na paralisahin ang operasyon ng PAL sa darating na Undas at pagdaraos ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit pero tinitiyak ng mga tunay na PAL workers na hindi ito mangyayari dahil walang magaganap na welga ng mga empleyado ng kumpanya sa mga nabanggit na panahon.