3 bayan sa Pampanga nasa state of calamity
MANILA, Philippines - Tatlo pang bayan sa Pampanga ang isinailalim sa state of calamity dulot ng matinding pagbaha na iniwan ng bagyong Lando na humagupit sa Northern at Central Luzon, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng Office of Civil Defense sa Central Luzon, kabilang sa mga bayan na nasa state of calamity ay ang San Luis, Arayat at bayan ng Candaba kung saan dumaranas ng malalang pagbaha ang mga residente.
Samantala, aabot naman sa 25,000 katao ang apektado sa Pampanga dulot ng pagbaha na bagama’t lumisan na sa bansa ang bagyong Lando ay dumaranas pa rin ng pagbaha ang nasabing bayan.
Nabatid na ang pagbaha ay dulot ng pag-apaw ng Pampanga River dahil sa patuloy na pag-ulan.
Sa ilalim ng Republic Act 10121, ang pagdedeklara ng state of calamity ay magbibigay kapangyarihan sa mga lokal na opisyal na magamit ang kanilang calamity fund sa rehabilitasyon at relief programs.
Magugunita na una nang isinailalim sa state of calamity ang mga lalawigan ng Quirino, Pangasinan, Nueva Eciija, Ilagan City sa Isabela at ilang bayan sa Aurora na pinakagrabeng hinagupit ng bagyong Lando.
Base sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umaabot sa 26-katao ang namatay pero sa ulat ng pulisya ay nasa 40 na ang death toll.
Samantala, umaabot naman sa P5.3 bilyong halaga ang iniwang pinsala ng bagyong Lando sa sektor ng agrikultura sa Central at Northern Luzon habang aabot naman P800 milyon ang inisyal na pagtaya sa imprastraktura.
- Latest