MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng 68-anyos na gambling operator matapos itong pagnakawan ay pinatay pa ng mga di-kilalang kalalakihan saka inilibing sa mababaw na hukay malapit sa kanyang bahay sa bayan ng Liloy, Zamboanga del Norte, ayon sa ulat kahapon. Sa ulat na nakarating kay P/Chief Insp. Rogelio Alabata na isinumite sa Camp Crame, nadiskubre ang bangkay ni Ambrosio Velayo matapos tumawag sa himpilan ng pulisya ang barangay tanod na si Rudy Manaba. Sa pagsisiyasat ng pulisya, natagpuan ang bangkay ng biktima sa mababaw na hukay sa gilid ng sapa may 300 metro ang layo sa bahay ng biktima. May palatandang pinahirapan ang biktima saka pinalo sa ulo, noo at may mga pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago inilibing. Nabatid na nawawala naman ang P.1 milyong cash na kinita ng biktima sa negosyong cara y cruz.