MANILA, Philippines - Pito-katao ang kumpirmadong patay makaraang lumubog ang pampasaherong bangka na binalya ng malalaking alon dulot ng masamang panahon sa pagitan ng karagatan ng Iloilo at Guimaras sa Western Visayas, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ng Office of Civil Defense - Western Visayas, nakilala ang mga namatay na sina Mark Reial Mata, 9; Luke Shile Mata, 6; Christine Daryle Vasquez ng Constancia, San Lorenzo, Guimaras; Cora Ganila ng Jordan, Guimaras; Mary Ann Gallego at ang dalawang crew ng M/V Tawash na sina Ruben Gania, 54; at Larry Abilla, 59.
Kasalukuyan namang pinaghahanap ang ina nina Mark at Luke na si Shine Mata at kapatid na si CJ Gamotcha.
Nakaligtas naman ang dalawang sugatan na sina Chris John Cepada at Cherry Silverio.
Naganap ang trahedya dakong alas- 4:23 ng hapon habang naglalayag ang bangka na sinasakyan ng mga biktimang patungo sa pantalan ng Jordan mula sa Iloilo City.
Gayon pa man dahil sa kasungitan ng panahon at patuloy na buhos ng ulan na sinasabing epekto ng bagyong Lando nang balyahin ng malalakas na ihip ng hangin at alon ang bangka at tuluyang lumubog.
Sa salaysay ng mga survivor na hindi naman gaanong masama ang panahon nang umalis sila sa Parola Wharf sa Iloilo City subalit aminado na may kalakasan na ang alon.
Ipinag-utos na ni Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog ang imbestigasyon sa pagpapahintulot ng Iloilo Coast Guard na makabiyahe ang nasabing Bangka sa kabila ng masamang lagay ng panahon at kung may pagkakamali rin sa mga crew ng ferry boat.