MANILA, Philippines - Dalawampu’t pito katao kabilang ang anim tripulante ang nasagip matapos na aksidenteng lumubog ang pampasaherong bangka na sinasakyan ng mga ito nang balyahin ng malalaking alon sa karagatan ng Brgy. Punta Engaño sa Lapu-Lapu City, Cebu kahapon ng umaga.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Office of Civil Defense (OCD), dakong alas-8:00 ng umaga ng maganap ang insidente sa bahagi ng nasabing karagatan malapit sa Camotes Island.
Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-9:00 ng gabi ay umalis ang bangkang M/B Mansan sa Talibon, Bohol.
Ang nasabing bangka ay magbibiyahe ng mga isda, seaweed, tulya at iba pang produktong dagat sa palengke ng Brgy. Pasil sa lungsod ng Cebu.
Sa pahayag ng kapitan ng bangka na si Norberto Aparice, maayos pa ang lagay ng karagatan ng umalis sila sa Talibon, Bohol gayunman habang naglalayag ay hinampas sila ng malalaking alon at naputol ang katig ng bangka bunsod upang tumagilid ito at pasukin ng tubig.
Napilitan na silang itapon sa dagat ang kanilang mga karga, pero lumubog pa rin ang Bangka kaya nagsuot sila ng life jacket gayundin ang kanilang mga pasahero at nanguyapit sa tagiliran ng bangka hanggang sa dumaan ang barkong M/V Filipinas Dinagat ng Cokaliong Shipping Lines at nasagip ang mga ito.