STA. ROSA, Nueva Ecija, Philippines – Patay noon din ang isang 59-anyos na kalihim ng barangay matapos na pagbabarilin ng dalawang suspek sa Sta. Rosa – Tarlac Road, Purok 6, Barangay Rajal Centro, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Cecilio Ubaldo, barangay secretary ng Barangay Rajal Centro, may-asawa ng Purok 5 ng nasabing barangay dahil sa mga tama ng bala ng baril sa kanyang ulo at katawan.
Sa imbestigasyon, dakong alas-10:00 ng gabi ay galing sa isang inuman ang biktima at pauwi na ito sa kanilang bahay sakay ng kulay asul na Euro motorcycle at pagdating sa nasabing lugar ay sumulpot ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo at malapitan itong pinagbabaril.
Nang masigurong patay na ang biktima ay agad na nagsitakas ang dalawang suspek patungo sa direksiyon ng bayan ng Zaragoza, Nueva Ecija.