MANILA, Philippines – Pinaniniwalaang isinailalim na sa red alert ang Zamboanga Sibugay matapos mag-deploy ng karagdagang puwersa ng elite units ng pulisya kasunod ng ambush slay kay Mayor Climaco kung saan anim pa ang nasugatan kabilang ang bise alkalde at mga security escorts ng opisyal sa bayan ng Tungawan noong Lunes ng hapon.
Nais masiguro ang peace and order sa bayan ng Tungawan matapos na mabahiran ng dugo ang pagsusumite ng certificate of candidacy (COC) kaya iniutos ang deployment ng karagdagang elite units ni PNP chief Director General Marquez.
Magugunita na tinambangan ng mga hindi kilalang kalalakihan ang pick-up service (SKH 202) sa kahabaan ng highway sa Barangay Cayamcam kung saan napatay si Tungawan Mayor Randy Climaco habang sugatan naman sina Vice Mayor Abison Abduraok, Charlie dela Cruz, driver ni Climaco; Brgy. Chairman Ernesto Segualan, mga escorts na sina Fortunato Mangubat, Carlnan Climaco at si Jembot Recalde.
Naganap ang pananambang habang pabalik ang grupo ni Mayor Climaco sa Barangay Poblacion matapos itong magsumite ng certificate of candidacy (COC) sa pagka-bise alkalde sa kanilang bayan.
“Before the filing of COC, my instructions to our troops is to prepare, it happen in a remote area when the focus of our policemen is on the urban centers. My instructions is to deploy additional troops to project presence of our policemen,”pahayag ni Marquez
“We are still validating if it is indeed election related or not, we need to consider the factors on the ground,” dagdag pa ni Marquez.
Sinisilip din ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa personal na alitan at clan war ang isa sa motibo sa pananambang.
Kasalukuyang ipinadala na si P/Deputy Director General Danilo Constantino sa nasabing lugar upang alamin ang pagtaya sa banta sa seguridad sa gaganaping halalan sa Mayo 2016.