Kandidato kritikal sa ambush

MANILA, Philippines - Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang 44-anyos na kandidato sa pagka-municipal councilor matapos itong tambangan ng riding-in-tandem assassins sa Monte Rosa Executive Subd. sa Barangay Del Paz sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi.

Sumasailalim nga­yon sa maselang operasyon sa Antipolo Clinical Hospital ang biktimang si Macario Semilla Jr., 44, may asawa, lider ng Filipino Liberal Youth ng Antipolo at naka­tira sa Barangay Sta. Cruz sa nasabing lungsod.

Si Semilla na sinasabing aktibong speaker sa mga okasyon ng Liberal Party (LP) sa nasabing lungsod at sasabak sa kauna-unahang pagkakataon sa politika sa nalalapit na May 2016 national elections ay nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa dibdib at tenga.

Sa police report na nakarating sa Rizal PNP Provincial Office, pauwi na ang biktima mula sa pagpupulong ng mga lokal na kandidato ng Liberal Party nang tambangan ng tandem pagsapit sa panulukan ng J.P Rizal Avenue sa nabanggit na subdivision bandang als-6:30 ng gabi.

Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng bala ng baril habang patuloy naman ang imbestigasyon.

 

Show comments