BULACAN, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng dalawang negosyante makaraang makumpiskahan ng 500 kilong botyang baboy na nakatakdang katayin sa bahagi ng Barangay Pritil sa bayan ng Guiguinto, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Nakatakdang kasuhan sa paglabag sa R.A.10536 ang mga suspek na sina Rock De Guia, 55; at Rolando Layug, kapwa meat trader at mga nakatira sa nasabing barangay.
Base sa ulat na nakarating kay P/Senior Insp. Francisco Rodriguez, nadiskubre ang modus operandi ng mga suspek dahil may nagbigay ng impormasyon sa pulisya kaugnay sa dalawang inahing baboy na namatay sa sakit at nakatakdang katayin kung saan ipagbibili sa isang kumpanya ng hotdog at iba pang prosesong pagkain.
Kaagad na sinalakay ng mga operatiba ng pulisya ang itinurong lugar kung saan natagpuan ang dalawang baboy na kakatayin.
Wala namang maipakitang kaukulang papales ang mga suspek kung saan inaresto ang mga ito saka kinumpiska ang dalawang patay na baboy na tumitimbang ng 500 kilo.
Kinumpirma naman ni Municipal Veterinarian Dr. Eduardo Jose na hindi na maaring kainin ang mga karne ng dalawang baboy kaya kaagad na ipinag-utos na sunugin sa bakanteng lote.