NORTH COTABATO, Philippines – Umaabot na sa 300 pamilya ang nagsilikas matapos magkasagupa ang dalawang armadong grupo sa naganap na clan war sa Barangay Bao, bayan ng Alamada, North Cotabato noong Biyernes hanggang kahapon. Base sa ulat ng pulisya, unang sinalakay ng grupo ni Kumander Toto Kiram ng 110th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang Sitio Papandayan sa Barangay Bao. Gayon pa man, natunugan ng grupo ni Kumander Isuk ng Reform Ilaga Movement (RIM) na nauwi sa magkakahiwalay na sagupaan ng magkaaway na angkan. Sa takot na maipit sa engkuwentro ng dalawang grupo ay napilitang magsilikas ng 300 pamilya. Namagitan na ang tropa ng 45th Infantry Battalion Philippine Army at mga sundalo ng Cafgu bilang peacekeeping force sa nasabing lugar. Pinaniniwalaang agawan sa lupa o rido ang isa sa ugat ng sagupaan ng magkaaway na grupo.