BULACAN, Philippines – Kalaboso ang nagpakilalang 28-anyos na block timer na broadcaster matapos itong arestuhin ng pulisya kaugnay sa reklamong extortion laban sa isang trader sa Barangay San Pedro, bayan ng Hagonoy, Bulacan kahapon ng umaga.
Nakatakdang kasuhan ang suspek na si Marcel Bayan ng Brgy. San Marcos sa bayan ng Calumpit, Bulacan at brodkaster sa programang Action Line ng radio station.
Sa police report na nakarating kay P/Supt. Angel Bondoc, tinakot ng suspek ang biktimang may negosyong piggery na si Rolando Felipe ng Brgy. San Pascual dahil sa reklamo ng mga residente sa masangsang na amoy ng mga baboy.
Ayon pa sa ulat, tinakot ng suspek ang biktima na isisiwalat ang mga reklamo kapag hindi nakapagbigay ng malaking halaga.
Pumayag naman ang biktima subalit lingid sa kaalam ng suspek ay humingi na ng tulong sa pulisya kung saan inilatag ang entrapment operation.
Nasakote naman ang suspek matapos ang entrapment operation ng pulisya sa pangunguna ni P/Insp. Jun Alejandrino kung saan narekober ang marked money na ginamit sa operasyon at dalawang identification cards ng suspek.