LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Nakikipagbuno kay kamatayan ang magkaibigang lalaki matapos itong mapagtripang saksakin ng isang senglot sa sayawan sa Barangay Pinaglabanan sa bayan ng Goa, Camarines Sur ng madaling araw. Naisugod sa Bicol Medical Center ang mga biktimang sina Judie Lovite, 30; at Jeny Garchetorena, 25, kapwa binata at nakatira sa nasabing barangay. Sa ulat ng pulisya, magkasama sa sayawan ang mga biktima dahil sa kapistahan nang lapitan at saksakin ng isang di-kilalang lalaki na sinasabing lango sa alak at droga. Nakihalo ang supek sa mga taong nagpulasan palabas ng sayawan kaya nakatakas. Pinaniniwalaang napagtripan lamang ang mga biktima ng suspek.