MANILA, Philippines (Updated 5:29 p.m.) – Isang lalaki ang nasawi sa sunog sa Zamboanga City, kung saan hindi bababa sa 200 tahanang gawa sa light materials ang natupok ngayong Lunes ng hapon.
Hindi pa naman matiyak ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog sa Caridad Compound sa Barangay Tumaga na tirahan ng karamihang informal settlers.
Nakilala ang nasawing si Solomon Aboso, 75.
Nilinaw naman ni City fire marshal Superintendent Domingo Zabala na nakaligtas na may kaunting galos ang unang inihayag na nasawi ang dalawang batang sina Senamae Lumibao, 10, at Jomar Lumibao, 6.
Aabot sa 300 pamilya ang nawalan ng tirahan at magpapalipas muna ng ilang araw sa covered court ng barangay.
Inaalam pa rin kung magkano ang halaga ng mga ari-ariang nasunog.
Kaagad namang nagbigay ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga nasunugan.