Pusher utas sa shootout

PAMPANGA, Philippines - Napatay ang isa sa sinasabing notor­yus drug peddler matapos itong makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa inilatag na buy-bust operation sa bisinidad ng Castro Street sa Barangay Mawaque, Mabalacat City, Pampanga kahapon ng madaling araw. Kinilala lamang sa alyas Louie na nakatunog sa isinagawang buy-bust operation kaya ito nakipagbarilan. Base sa police report na isinumite kay P/Supt. Jose Marie Basa, hepe ng Mabalacat City PNP, nakamotorsiklo si Louie nang makipagtransaksyon sa isang pulis na poseur-buyer ng shabu. Gayon pa man, nakatunog ito kaya pinutukan ang mga pulis hanggang sa mauwi sa shootout. Narekober kay Louie ang isang plastic sachet na shabu, cal. 9mm pistol, motorsiklo na may plakang RP 3483 at ang mark money na ginamit sa operasyon.

Show comments