MANILA, Philippines - Apat-katao ang namatay habang anim naman ang nasugatan makaraang pasabugin ang convoy ng sasakyan ng bise alkalde sa Barangay Sunrise, Isabela City, Basilan kahapon ng hapon.
Sa ulat na nakarating kay Captain Roy Trinidad, spokesman ng AFP Task Force Zambasulta ( Zamboanga, Basilan, Sulu , Tawi-Tawi ), naitala ang insidente dakong ala-1:01 ng hapon malapit mismo sa bahay ni Isabela City Mayor Cherrylyn Santos-Akbar.
Namatay ang tatlong security escort ni Isabela Vice Mayor Abdubaki Ajibon na sina Gregorio Delgado, Muhaimin Jalil at isang alyas Maullah habang ang sibilyang lulan ng motorsiklo na naparaan lamang ay si Ramil Omar.
Samantala, kinilala naman ang mga nasugatang sina Sattar Abdul, Nurhaida dela Cruz, Amlan Sali Adam, Tupay Kalbi, Florante Agustin, at si Grace Manuel Flores.
Nawasak din sa pagsabog ang itim na Toyota Hilux pickup na may plakang MTO-656 at Toyota van na may plaka namang AEA 4365.
Agad na ikinordon ng pulisya at militar ang nasabing lugar habang isinagawa ang post blast investigation.
Pinaniniwalaang inilagay ang bomba sa traysikel na nakaparada sa gilid ng highway kung saan tiyempo namang dumaraan ang convoy ng nasabing opisyal.
Sinisilip naman ng mga awtoridad ang anggulong may kinalaman sa banggaan sa pulitika ang isa sa motibo sa pagpapasabog.