MANILA, Philippines – Tatlo-katao ang namatay habang 31 naman ang nasugatan makaraang magkarambola ng apat na sasakyan sa kahabaan ng Andaya Highway sa Barangay Lower Sta. Cruz, bayan ng Ragay, Camarines Sur noong Lunes ng gabi.
Kinilala ang mga namatay ay sina Association of Brgy. Captain (ABC) Municipal President Joseph Cater; Allejandro Purca, 8; at si Alea Saraza, 4.
Ginagamot naman sa Bicol Medical Center at Ragay District Hospital ang mga sugatang sina PO3 Roberto Ferrer, PO1 Ronald Tabayan, PO1 Romeo Dela Vega Jr., Mark Justin Laurita, Melynor Laurita, Marieta Vargas, Mike Jones Dionesio Habok, Abegail Marcaida, Solidad Ebuenga, Sherry Balderama, Ruffa Talagtag, Martin Calmante, Jennifer Chan, James Martin Calmante, Marites Fernandez, Marieta Vargas, Mike Dionesio, Hilario Berces, Reden, Helen Aben, Violeta Saraza, Andrew Aracel, Jethro Buhos, Mark Lester Purca, Roderick Bayoho, Christian Macasinag, Madelyn Saraza, Rogelio Saraza, Alvin De Leon, Jomar Regalado, at si Christian Balete.
Nabatid na naunang nagbanggaan ang motorsiklo at kasalubong nitong traysikel kung saan rumesponde ang pulisya.
Tumutulong naman si Chairman Cater sa pulisya sa imbestigasyon at abala sa pagkuha ng larawan sa tabi ng highway nang suwagin ang mga ito ng paparating na 10-wheeler truck ABQ 113 na minamaneho Jose Badong Jr.
Sinalpok din ng truck ang patrol car, pampasaherong bus (EVN 790) at SUV na may plakang VFA 920 na minaneho ni Melvin Estopre habang patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad.