MANILA, Philippines - Pinalaya na ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang tatlong Datu ng mga katutubong Lumad sa isang lugar sa rehiyon ng Davao kamakalawa. Kabilang sa pinakawalang bihag ay sina Datu Danilo Angcomog, Datu Laris Landakay at si Datu Jovanie Angcomog. Ang pagpapalaya sa tatlong Datu ay kinumpirma kahapon ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla base sa ulat na ipinarating ni Army’s regional commander na si Lt. Gen. Aurelio Baladad. Ang tatlong Datu ay binihag ng mga rebeldeng matapos na magtungo sa bayan ng Talaingod, Davao del Norte noong Agosto 1 para ayusin ang hidwaan ng mga katutubong Lumad. Nagmula pa sa San Fernando , Bukidnon ang tatlong Datu kung saan naglakbay lamang patungong bayan ng Talaingod nang harangin at dukutin ng NPA rebs.