QUEZON, Philippines – Arestado ang dalawang notoryus na drug pusher matapos makumpiskahan ng P5 milyong halaga ng shabu at mga baril sa inilatag na drug bust operation ng mga awtoridad sa Sitio Silangan Beach, Barangay Gusiguis Talon sa bayan ng Sariaya, Quezon kamakalawa ng hapon. Base sa ulat na nakarating kay P/Supt. Harold Depositar, OIC ng Sariaya PNP, sinalakay ang bahay ni Reysol Paderon sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Agripino Morga ng Regional Trial Court Branch 29-32. Gayon pa man, hindi inabutan ng mga operatiba ng pulisya ang pangunahing target pero naaktuhan sa pot session ang dalawang kasabwat ni Paderon na sina Roderick Remo at Francia Concepcion. Nasamsam sa bahay ni Paderon ang 476.4 gramo ng shabu may street value na P5,206,000; dalawang cal. 45 pistol at P234,000 cash na sinasabing nagmula sa bentahan ng bawal na droga.