MANILA, Philippines – Patay ang isang Imam makaraang umatake ang mga bandidong Abu Sayyaf Group sa Barangay Sandah, bayan ng Patikul, Sulu kahapon.
Kinilala ni Col. Alan Arrojado, commander ng Joint Task Group Sulu ang napatay na si Baddiri Jamdane, isa ring miyembro ng barangay patrol sa kanilang komunidad.
Bandang ala-1:45 ng hapon nang umatake ang may 150 Abu Sayyaf sa pamumuno ni Sub-Commander Ninok Safare.
Lumilitaw na pumosisyon sa mataas na bahagi ang mga bandido saka pinaputukan ang direksyon ng mga barangay tanod sa nasabing lugar. “Firefight ensued when the BPATS (barangay security patrol) organized themselves to counter ASG harassment,” ayon kay Arrojado kung saan minalas na tamaan sa kasagsagan ng putukan si Jamdane.
Lumilitaw pa sa imbestigasyon na nairita at ikinagalit ng mga bandido ang pagsuporta ng mga lokal na residente sa itinatayong highway na nag-uugnay sa Barangay Sandah patungong Barangay Tugas sa Patikul.
Samantala, ipinakalat na ang operatiba ng Army’s 35th Infantry Battalion kung saan nagpaulan ng mortar sa mga bandido kung saan nagsitakas ang mga ito patungo sa direksyon ng Barangay Tanum.