NORTH COTABATO, Philippines – Dalawa katao ang patay makaraang tambangan at pagbabarilin sa Sitio Marabuay, Barangay Bao, Alamada, North Cotabato kahapon.
Ayon kay P/Supt Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office, ang mga nasawi ay sina Anwar Sumplay at Taib Tuanadatu, nasa hustong gulang ng nasabing lugar.
Batay sa ulat, lulan ang mga biktima sa isang motorsiklo galing sa kanilang tahanan patungo sa bayan ng Libungan ngunit pagsapit nila sa Sitio Patel, Brgy. Bao Alamada, bigla na lang lumutang ang mga suspek at saka sila pinagbabaril ng M1 garand rifles at M-16 armalite rifles.
Agad na binawian ng buhay ang mga biktima nang sila ay magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan at saka tumakas ang mga suspek sa Brgy Bao sa bayan ng Alamada.
Awayan sa pamilya o rido ang natatanaw na motibo ng pulisya sa nangyaring pananambang sa mga biktima sa probinsya ng Cotabato.