BULACAN, Philippines – Isang nagpakilalang kolumnista at reporter ng lingguhang pahayagan ang nasakote sa entrapment operation matapos umanong magpa-upa ng lupa na hindi naman sa kanya at kikilan ang isang ‘perya’ lady operator sa Brgy. Muzon, San Jose Del Monte City, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong robbery extortion ang suspek na si Noel Pabustan, 56, umano’y konektado sa lingguhang diyaryo na Birador ng Bayan, tubong Arayat, Pampanga at nakatira sa Tierra Benita Subdivision, Brgy. Muzon, ng nasabing bayan.
Ang pag-aresto at pagsasampa ng kaso laban kay Pabustan ay bunsod sa reklamo ng isang Dolores Panganiban, nasa hustong gulang, operator ng BEEH-ANNS Amusement and Rides at nakatira sa Brgy. San Juan, Calamba City, Laguna.
Base sa ulat ni P/Supt. Charlie Cabradilla, dakong alas-7:00 ng gabi ikinasa ng kanyang mga tauhan ang entrapment operation laban kay Pabustan matapos na muling humingi ng balanseng pera kay Panganiban dahil sa ipinarerentang lupa nito na tatayuan ng peryahan.
Nang iabot sa suspek ang marked money na P10,000 mula sa biktima, dito na siya inaresto ni P/Insp. Jason Quijana at mga tauhan nito.
Nauna rito, nakipagtransaksyon si Panganiban sa suspek para sa rerentahang parsela ng lupa upang tayuan ng peryahan sa naturang lugar sa halagang P600,000. Ipinakita umano ng suspek ang titulo ng lupa sa biktima subalit nang beripikahin sa ahensya ng lupain, napag-alamang pawang mga palsipikado ang ipinakitang titulo. Dito na siya lihim na isinuplong sa awtoridad.