BULACAN, Philippines - Apat-katao na pinaniniwalaang notoryus na drug pushers ang napatay makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa inilatag na buy-bust operation sa Barangay Minuyan, bayan ng Norzagaray, Bulacan kahapon ng umaga.
Ayon kay P/Supt. Joel Estaris, hepe ng Norzagaray PNP, kabilang sa napatay ay ang lider ng grupo na si Alyas Sati na nasa talaan ng drug watchlist ng pulisya.
Kinilala ang tatlong napatay sa mga alyas na Lotlot, Dindo at Deck na mga sangkot sa talamak na pagtutulak ng droga.
Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Ferdinand Divina, nagsagawa ng buy-bust operation ang lokal na Drug Enforcement Unit ng pulisya makaraang makatanggap ng ulat laban sa apat na drug pushers na nagpapakalat ng bawal na droga sa nasabing barangay.
Gayunpaman, nakatunog ang mga suspek sa buy-bust operation kaya pumalag at pinutukan ang mga nakapaligid na PNP.
Sumiklab ang barilan sa pagitan ng mga suspek at pangkat ng PNP hanggang sa mapatay ang apat na pushers.
Narekober sa apat ang cal. 22 revolver, cal. 38 revolver, dalawang improvised explosive device, 12 gauge shotgun, granada, mga pinatuyong dahon ng marijuana, mga drug paraphernalia at hindi pa madeterminang halaga ng shabu.