LAGUNA, Philippines – Tatlong kalalakihan na miyembro ng notorious criminal group ang napatay makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa Barangay Langkiwa, Biñan City, Laguna kahapon ng tanghali.
Kabilang sa mga napaslang ay si Warlito Sanchez na miyembro ng Pogi Group na pinamumunuan ni Ricky Sison na sinasabing most wanted person sa Laguna.
Samantala, bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng dalawang kasama ni Sanchez.
Sa police report, lumilitaw na isisilbi sana ng pulisya ang warrant of arrest laban kay Sanchez sa mga kasong murder nang sumiklab ang bakbakan kung saan napatay ang tatlo.
Napag-alamang si Sanchez ay may mga kaso kaugnay sa bentahan ng bawal na droga at dalawa pang kaso na murder.
Sangkot din ang nasabing grupo sa extortion at pananakot sa mga maliliit na negosyante habang narekober naman ang cal. 45 pistol, cal. 9mm pistol at cal. 38 revolver.