MANILA, Philippines – Siyam sa labing-isang manggagawa ng water tank construction ang dinukot ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Barangay Upper Benembengan, bayan ng Sumisip, Basilan kahapon ng umaga.
Ayon kay Captain Rowena Muyuela, Army’s regional spokesperson, naganap ang pagdukot dakong alas-8:45 ng umaga kung saan ang mga biktima ay lulan ng water tank truck ng Abubakar Construction.
Kabilang sa mga kinidnap na biktima ay sina Nasser Jallaha, Merhusin Ubbay, Mustapha Gapul, Abukaisir Nasilin, Jaya Abdulla, Johan Sarao, Nadzhar Garbon, AlsibarJauhari, Margani Alpha.
Inaalam naman ng opisyal ang pagkakakilanlan ng dalawang nakatakas na kinukunan pa ng impormasyon ng JTF Basilan ng AFP.?
Gayon pa man, hindi naman nasiraan ng loob ang dalawa sa mga manggagawa na lakas loob na tumalon sa truck at nagpagulong-gulong sa damuhan hanggang sa tuluyang makatakas.
“The military personnel in coordination with other concerned agencies are currently conducting operations to rescue the victims,”pahayag ng opisyal.
Lumilitaw pa sa imbestigasyon na tinangay at kinomander ng mga bandido ang truck na pag-aari ng Abubakar Construction.
Nagpapatuloy naman ang search and rescue operations ng pinagsanib na tauhan ng pulisya at militar upang iligtas ang mga bihag.