MANILA, Philippines – Isang menor-de-edad na pinaghihinalaang drug courier ang inaresto ng pinagsanib na puwersa ng anti-narcotics operatives ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa isang anti-drug operation sa Puerto Princesa City, inulat kahapon.
Sa ulat kay PDEA Director General Usec. Arturo Cacdac, Jr., ang suspek na hindi pinangalanan ay isang 16-anyos na lalaki mula sa Barangay Pagkakaisa, Poblacion, Puerto Princesa City.
Sinasabing nagsagawa ng anti-drug operation ang Puerto Princesa City Police at Puerto Princesa City Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group sa isang kilalang courier na nagresulta sa pagkakahuli sa binatilyo na nagsabing ang dala niyang package ay naglalaman ng grocery items.
Pero nang buksan ang kahon sa harap ng mga barangay officials, kinatawan ng media at operating team, tumambad dito ang shabu na may timbang na 75 gramo at may street value na P700,000.
Ang suspek ay ipinasa na sa Puerto Princesa City Social Welfare and Development Office para sa kaukulang kustodya.
Sasampahan din siya ng kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) ng Article II RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.