MANILA, Philippines – Malagim ang sinapit na kamatayan ng isang retiradong huwes makaraang matusta nang ma-trap sa loob ng nasusunog nitong tahanan sa Cebu City nitong Sabado ng madaling-araw.
Sa ulat ng Cebu City Fire Marshal, kinilala ang nasawing biktima na si Delfin Decierdo, 76-anyos na dating Judge sa Sibunga Municipal Trial Court sa lalawigan ng Cebu.
Bandang alas-4 ng madaling-araw habang mahimbing na natutulog ang hukom sa kanyang tahanan sa Honeyville 2 Brgy. Quiot ng lungsod nang sumiklab ang apoy nang hindi nito namamalayan.
Mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa ma-trap ang biktima sa kanyang silid at kasamang natupok sa dalawang palapag nitong tahanan.
Nabigong makalabas ng kanyang tahanan si Decierdo dahil ang kuwarto nito ay katabi ng kanyang mini-chapel na narinig pa ng kanyang mga kapitbahay na sumisigaw sa paghingi ng tulong sa may bintana.
Hindi na nagawang saklolohan ng kanyang mga kapitbahay ang matandang biktima dahil nababalutan ng mataas na apoy ang buong kabahayan nito.
Sinisiyasat ng pulisya ang sanhi ng sunog na posibleng nagmula sa isang kandila na naiwang nakasindi sa may altar sa mini chapel sa sala ni Decierdo.
Naapula ng mga pamatay-sunog ang apoy dakong alas-4:35 ng madaling-araw at natagpuan ang halos hindi na makilalang bangkay ng biktima dahil sa tindi ng pagkakasunog.