North Cotabato, Philippines – Kalunus-lunos ang sinapit ng isang 18-anyos na dalaga sa kamay ng mga lalaki na umano’y lango sa droga makaraang gahasain, pagtatagain at sunugin sa hangganan ng bayan ng Buluan at Datu Paglas sa lalawigan ng Maguindanao, base sa ulat kahapon.
Kinilala ni Buluan, Maguindanao chief of police Sr. Insp. Victorino Panchoy, ang biktima na si Bainor Solaiman, 18, 4th year high school student ng Mahad National High School at residente ng Datu Paglas, Maguindanao.
Ayon sa report, papauwi na sana ang biktima sa kanyang tahanan galing sa paaralan nang harangin ng hindi pa nakilalang mga suspek sa hangganan ng bayan ng Buluan at Datu Paglas.
Dinala ang dalaga sa isang bakanteng kubo at pinagtulungang gahasain.
Pagkatapos umanong abusuhin ang biktima ng mga suspek ay saka naman siya pinagtataga at sinunog pa sa loob ng kubo upang maitago sa pulisya ang krimen.
Agad na ipinag-utos ni Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu sa pulisya na tutukan ang malagim na sinapit ng dalaga at mahuli agad ang mga suspek.