MANILA, Philippines – Brutal na pinatay ang 27-anyos na medical student na sinasabing pamangkin ng opisyal ng Department of Foreign Affair (DFA) matapos itong tadtarin ng saksak ay pinagnakawan pa ng sinasabing kanyang bf sa inuupahang apartment sa Sta. Rosa City, Laguna noong Sabado ng hapon.
Sa police report na isinumite kay P/Supt. Reynaldo Maclang, hepe ng Sta. Rosa City PNP, bandang alauna y medya ng hapon nang matagpuan ni Michell Vanessa Albano ang bangkay ng kanyang kaibigang si Paulo Miguel Rempis Catalla sa loob ng apartment sa Labrador Subdivision.
Sinasabing si Catalla ay pamangkin ng Philippine Consul General sa Hong Kong na si Bernardita Catalla.
Kinilala naman ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na si Jun Francis Bertolazo, 19, estudyanrte ng Polytechnic University of the Philippines sa Sta. Rosa City.
Inaresto ang suspek base sa closed-circuit television camera (CCTV) footage na kasama nito ang biktima na pumasok sa nasabing apartment noong Huwebes ng gabi kung saan lumabas ito noong Biyernes ng madaling araw na may bitbit na itim na bag.
Inamin naman ng suspek na kasama niya ang biktima base sa CCTV footage pero hindi naman nagbigay ng detalye sa naganap na pamamaslang, ayon pa kay Maclang.
May teorya ang pulisya na si Bertolazo ay “boyfriend” ng biktima, ayon kay Maclang.
Ayon pa kay Maclang na nawawala rin ang relo, Ipad, hindi nabatid na malaking halagang pera, at ilang personal na gamit ng biktima.
Kasalukuyang nakapiit si Bertolazo sa himpilan ng Sta. Rosa City PNP at nahaharap sa kasong pagnanakaw at pagpatay. Isinalin sa Tagalog ng patnugot