MANILA, Philippines - Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang mga guwardiya sa Lanao del Norte Provincial Jail sa bayan ng Tubod matapos makapuga ang walong preso kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Lanao del Norte PNP Director P/Senior Supt. Madid Paitao na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang mga preso na sina Karis Balowa Lando, Anuar Angni, Amoran Dasimbor, Bukong Santos, Waled Mandagla, Bawi Mapandi, Samsodin Mamao, at si Musakira Tomanto na pawang may mga kasong murder, illegal possession of firearms at pagtutulak ng droga.
Nakatakas ang mga preso sa pamamagitan ng paglagare sa rehas na bakal ng selda dakong alas-3 ng madaling araw kung saan sinamantala na makalingat ang mga guwardiya.
Nabatid na umabot sa 30 minuto bago ipinabatid sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang naganap na jailbreak.
Inalerto na rin ang lahat ng himpilan ng pulisya sa nasabing lalawigan upang palakasin ang manhunt operations laban sa mga pugante. Joy Cantos