BATANGAS, Philippines – Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng lima-katao habang nawawala naman ang isa pa matapos makulong sa nasunog ang panaderya sa bayan ng Taal, Batangas kahapon ng madaling araw.
Base sa police report na isinumite sa Camp Vicente Lim, nagsimula ang sunog bandang alas-2:30 ng madaling araw matapos matalsikan ng apoy ang second floor ng panaderya mula sa sumabog na electrical wiring sa tapat ng Raiylens Bakery sa Barangay Bihis.
Kinilala ng nakaligtas na si Gerry Paz ang anim na kasamahang nakulong sa loob ng panaderya na sina Bea Lunaflor, Renelyn Teoxon, Ruffa Fortes, Rosebee Cadiong, Josie Afable, at si Jomarie Bernales.
Gayon pa man, hindi na nakilala ang limang katawang narekober dahil sunog na sunog ang mga ito.
Idineklara ng Bureau of Fire Protection (BFP) na fireout bandang alas-4:45 ng madaling araw.
Kinikilala pa ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang mga bangkay na narekober sa nasabing lugar.