MANILA, Philippines – Apat opisyal ng barangay ang nasawi matapos na paulanan ng bala ng mga hindi pa kilalang kalalakihan sa naganap na ambush sa Tangal Bridge sa kahabaan ng highway ng Mother Barangay Bagua, Cotabato City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga nasawing sina Kagawad Misuari Karim ng Brgy.Bagua at mga Brgy. Tanod na sina Mamanta Kalim; Theng Wahab at Omar Abo na pawang nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na agad nilang ikinamatay.
Patuloy namang isinasalba ang buhay ng nasa kritikal na kondisyon na si Omar Abo na isa ring barangay tanod.
Base sa imbestigasyon, sinabi ni Chief Inspector Aldrin Gonzales, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 12, naitala ang pananambang sa mga biktima bandang alas- 5:00 ng hapon.
Kasalukuyang nagpapatrulya sa lugar si Karim kasama ang tatlong barangay tanod na lulan ng multicab nang tambangan ng mga armadong kalalakihan.
Narekober sa lugar ang mga basyo ng bala ng M16 rifle, AK 47 rifle, cal. 45 pistol at cal 9 MM pistol.
Itinuro naman ng mga testigo sa mga otoridad na ang grupo umano ni Brgy. Kagawad Bimbo Ayunan ang nasa likod ng pananambang sa mga biktima.
Isinasailalim pa ng mga otoridad sa masusing pagsisiyasat ang motibo ng krimen.