‘Most wanted’ natimbog
CAMP SIMEON OLA , Legazpi City, Philippines - Hindi na makapalag pa ang isang tinaguriang “most wanted person” sa Bicol region matapos na salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Palawan PPO, Ligao City Police at Albay PPO ang pinagtataguan nito sa Sitio Isumbo, Barangay Pulot Interior, Sofronio Espanola, Palawan kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang suspek na si Jesse Ray Otanez alyas “Malawi Ampatuan”, 33, binata, tubong Ligao City at nagtago sa nasabing lugar.
Ayon kay Sr. Supt. Marlo Meneses, director ng Albay Provincial Police, dakong ala-1:57 ng hapon nang matunton at masakote ang suspek habang abala sa kanyang munting negosyo na itinayo sa lugar.
Nagtago sa batas ang suspek kasama ang ina na si Evelyn na wanted din sa pulisya sa kasong robbery with homicide.
Dinakip si Otanez base sa bisa ng warrant of arrest na inisyu Judge Ignacio Barcellano Jr. ng RTC Br. 13, Ligao City sa kasong pagpatay at pagnanakaw sa isang dentista noong 2002. Suspek din si Otanez at kanyang ina sa kasong pagpatay pa sa mag-asawang Australian national ng nasabi ring taon. Matapos ito, nagtago ang mag-ina. Sila ay isinama sa mga most wanted person at may patong na tig-P300,000.
Sa interogasyon, sinabi ni Jesse Ray na matagal na niyang hindi nakikita ang ina, kapatid umano ng retiradong Police colonel, simula nang siya ay magtago.
- Latest