MANILA, Philippines - Tuluyan nang namatay ang isang radio broadcaster nang ito ay pagbabarilin sa ikalawang pagtatangka sa kanyang buhay ng apat na kalalakihan kahapon ng umaga sa Ozamis City, Misamis Occidental.
Kinilala ni Ozamis City Director Supt. Jerry Tambis ang biktima na si Cosme Maestrado, 49-anyos, broadcaster sa DXOC radio na nakabase sa lungsod.
Naitala ang pamamaslang sa biktima dakong alas-9:15 ng umaga sa harapan ng Quality Shopping Center sa kahabaan ng Washington Street sa panulukan ng Rizal Street, Brgy. 50.
Sinabi ni Tambis na kasalukuyang kausap ng biktima ang may-ari ng establisiyemento nang biglang dumating ang apat na armadong salarin, dalawa rito ay sakay ng isang motorsiklo na nagsilbing backup habang naglakad lamang ang dalawa na siyang triggermen.
Agad na pinagbabaril ng mga salarin ang biktima na nagtamo ng sampung tama ng bala sa katawan, dalawa rito ay sumapul sa kaniyang ulo at isa sa dibdib.
Nagawa pang maisugod sa Medina Hospital sa Ozamis City ang biktima pero binawian din ito ng buhay matapos ang 40 minuto.
Sa tala, ang biktima ay minsan na ring tinambangan noong Nobyembre ng 5, 2011 ng hindi nakilalang mga kalalakihan subalit naka-survive ito.Hard-hitting radio commentator si Maestrado sa Ozamis City.
Kinondena kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagpaslang kay Maestrado at iniutos na sa PNP ang pagtugis sa mga suspek.