LTO enforcer itinumba ng kabaro

Philstar.com/File

PAMPANGA, Philippines – Napatay ang isang enforcer ng Land Transportation Office (LTO) ng kanyang kabarong enforcer matapos ang mainitang pagtatalo sa isang gasolinahan sa Barangay San Isidro, San Fernando City, Pampanga kahapon ng umaga.

Base sa police report na isinumite kay P/Supt. Jean Fajardo, hepe ng San Fernando City PNP, kinilala ang napaslang na si Stanley Ferrer na nakatalaga sa Bulacan at nakatira sa Otero Avenue, Barangay Mabayuan sa Olongapo City.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Elisereo Magsael Jr.  ng Capas, Tarlac.

Ayon sa pulisya, nagpapagasolina ang biktima ng kanyang Mitsubishi Adventure na may plakang SHS 215 nang dumating ang suspek kung saan sumiklab ang mainitang pagtatalo na humantong sa suntukan.

Gayon pa man, nagbunot ng baril ang suspek saka pinutukan sa dibdib ang biktima bago tumakas sakay ng service vehicle na may plakang SHS 207 patungo sa Angeles City.

Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng cal. 45 pistol habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments