MANILA, Philippines – Patay ang Tatlong adik sa bawal na droga habang dalawa naman ang nasa kritikal na kalagayan matapos pasabugin ang isinagawang shabu session sa Barangay Bagong Nayon, Antipolo City, Rizal kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga namatay ay sina Michael Wong, Arthur “Art” Dela Cruz at si Ronald Tupino na mga nakatira sa nabanggit na barangay.
Kritikal naman isinugod sa pagamutan sina Benny Flores, 35; at Joel Starling na kapwa nakatira sa nasabing lugar.
Sa inisyal na ulat na nakarating kay P/Supt. Dennis Macalintal, hepe ng Antipolo City PNP, magkakasamang humihithit ng shabu ang mga biktima sa loob ng bahay ni Tupino sa Sitio Tagisan 2 sa nasabing barangay nang sumiklab ang pagtatalo sa hindi nabatid na dahilan.
Gayon pa man, isa sa mga biktima ang nagpasabog ng granada na gumimbal sa kalapit na bahay kaya kaagad na rumesponde ang mga operatiba ng pulisya.
Hindi pa matukoy ng pulisya ang nagpasabog ng granada pero isang nagngangalang Eric Ramos ang inaresto subalit itinanggi nito na siya ang naghagis ng granada.
Narekober sa blast site ang dalawang Granada, mga plastic sachet ng shabu at iba’t-ibang drug paraphernalia habang patuloy naman ang imbestigasyon.