MANILA, Philippines - Basag ang bungo at nagkabali-bali ang buto ng isang 52-anyos na Swiss national matapos na tumalon mula sa ikalimang palapag ng hotel na kanyang tinutuluyan sa Brgy. Balibago, Angeles City, Pampanga nitong Biyernes.
Idineklarang dead-on-the-spot ang biktima na si Daniel Rolf Balmer nang maunang tumama ang kanyang ulo sa ibaba malapit sa may swimming pool ng tinutuluyang Queens Hotel sa Sta. Maria 1 Subdivision, Brgy. Balibago.
Sa ulat ni Sr. Supt. Eden Ugale, director ng Angeles City Police, dakong alas -10 ng umaga nang maganap ang insidente.
Ayon sa pulisya, regular na kustomer si Balmer sa Queens Hotel sa loob ng nakalipas na ilang taon kung saan madalas siyang mag-checkin dito kasama ang umano’y transgender na si Jinalyn Larazo Mustacho.
Wala umano si Mustacho sa hotel room 505 at lumabas para bumili ng pagkain nang maganap ang pagpapatiwakal ng dayuhan. Huling nakitang buhay si Balmer nitong Huwebes ng gabi habang masayang kasama ni Mustacho.
Ayon kay Mustacho, maraming beses nang nagtangkang magpakamatay ang nasabing dayuhan subalit napipigilan niya ito.
Natagpuan ng mga imbestigador sa hotel room ang mga nirolyong papel at ilang stick ng marijuana na maaaring ginagamit ng biktima.
Inaalam ng pulisya kung nasa impluwensya ng ipinagbabawal na gamot ang biktima bago nagpatiwakal at kung may “foul play” sa insidente.