TUGUEGARAO CITY, Philippines - Lima katao ang patay kabilang ang dalawang paslit na natabunan sa landslides dulot ng matinding hagupit ng bagyong “Ineng” sa magkakahiwalay na lugar sa Benguet, Mt. Province at Ilocos Norte kahapon.
Sa unang ulat, kinilala ni P/Sr. Insp. Thrislyn Sagpa-ey, hepe ng Bakun, Benguet Police ang nasawing magkapatid na sina Erwin Celo , 26 at Markim Celo , 21; kapwa obrero at residente ng Itogon.?
Natutulog ang magkapatid sa kanilang tent sa gilid ng bundok sa tabi ng isinagawang road widening project sa Barangay Gambang, sa Bakun nang rumagasa ang lupa at tabunan sila ng toneladang putik dakong alas-4:00 ng umaga. ?
Sinabi nman ni Mt. Province P/Dir., Sr. Supt. Oliver Enmodias na kapareho ring oras sa bayan ng Sabangan, natabunan ng rumagasang lupa ang bahay ng magkapatid na paslit na sina Lykher Manid-ing Mayon, 8 at Yckir Manid-ing Mayon, 10, sa Sitio Tala, Brgy. Namatec.
Sa tinanggap na ulat ni OCD Cordillera Regional Director Andrew Alex Uy, may 124 pamilya o 626 indibiduwal ang nailikas na mula sa Buguias, Benguet; Sagada, Mt. Province at Pasil at Tabuk City, Kalinga dulot ng walang humpay na pag-ulan at hangin.
Samantala sa Ilocos Norte, isang Herminio Tabugo, 47, ang nasawi matapos na madaganan ng nabuwal na punong kahoy sa kahabaan ng highway sa Pinili. Hindi rin makuha pa ang bilang ng mga biktimang nasugatan dahil sa bagyo.
Iniutos na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pagpapatupad ng preemptive evacuations sa mga apektadong lugar. Kabilang sa mga pinalikas ay ang daan-daang mga residente na naninirahan sa mga tabing dagat at mga mababang lugar sa Cagayan, Isabela, Ilocos Sur at Ilocos Norte sanhi ng banta ng storm surge na dala ng hagupit ng bagyong Ineng.
Nasa walo katao rin ang iniulat na nawawala kabilang ang mangingisdang si Jay-ar Millari, 24, matapos na tangayin ng malakas na agos ng tubig baha sa mga lalawigan ng Abra, Kalinga at Ilocos Norte.
Patuloy na binabayo ni Ineng ang CAR, Northern Luzon na pinalala pa ng southwest monsoon na nagdulot rin ng pabugso-bugso at malalakas na pag-ulan sa Central at Southern Luzon gayundin sa Metro Manila.
Si Ineng ay may taglay na malakas na hanging 170 km kada oras na natukoy sa silangan ng Calayan, Cagayan at kumikilos patungo sa direksyon ng West Northwest. Nakataas ang public storm signal no.3 sa Batanes at Northern Cagayan habang signal number 2 naman sa mga lalawigan ng Abra, Kalinga, Northern Isabela, Ilocos Norte at kabuuan ng Cagayan. Signal number 1 naman ang Isabela, Ifugao, Mt. Province, Benguet, La Union at Ilocos Sur.
Ayon sa weather bureau, si Ineng ay inaasahang lalabas sa bansa sa linggo o Lunes pero magpapatuloy ang mga pag-ulan sanhi ng southwest monsoon.
Sa inisyal na tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nasa 127 pamilya o 377 katao ang inilikas sa Brgy. Caroan, Gonzaga ; Brgy. Balatubat sa Calayan at Brgy. Simbaluca sa Teresita; pawang sa lalawigan ng Cagayan.
Samantalang dumanas rin ng mga pagbaha ang Ilocos Norte partikular na sa Brgy. Lapaz sa lungsod ng Laoag.