2 bihag na PCG nakapuga sa Abu
MANILA, Philippines - Nagawang makatakas ng dalawang bihag na miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) sa kasagsagan ng engkuwentro sa pagitan ng mga bandidong Abu Sayyaf at tropa ng militar kung saan aabot sa 15 bandido ang napatay habang pitong sundalo ang nasugatan sa inilunsad na assault at rescue operation sa bayan ng Indanan, Sulu, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ni Col. Allan Arrojado, commander ng Joint Task Group Sulu, namataan ng mga sundalo ang bihag na si SN2 Gringo Villaruz sa liblib na bahagi ng Brgy. Buanza at bandang alas-8:30 naman ng umaga ay si SN2 Rod Pagaling.
Lumilitaw na naglunsad ng assault at rescue operations ang mga sundalo upang sagipin ang nalalabi pang mga bihag noong Miyerkules na nauwi sa madugong bakbakan sa Barangay Buanza na umabot sa alas-7 ng gabi.
Nasa 100-bandido na pinamumunuan nina Commander Yasser Igasan at Alhabsy Misaya ang nakasagupa ng Army Scout Rangers at ng iba pang unit sa ilalim ng JTG Sulu.
Bineripika kung kabilang si Abu Sayyaf Sub-Commander Alden Bagadi sa napatay habang kinumpirma naman ang pagkamatay ng pinsan nitong si Arafat.
Base sa tala, sina Villaruz, Pagaling at si Chairman Rodolfo Buligao ay kinidnap ng mga bandido sa Brgy. Aliguay, Dapitan City, Zamboanga del Norte noong Mayo 4, 2015.
Si Buligao ay pinugutan noong Agosto 11 matapos na hindi makabayad ng P1-milyong ransom ang pamilya nito habang siyam pa ang hawak na bihag ng mga bandido.
- Latest