NORTH COTABATO, Philippines – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa 3-anyos na bata habang ospital naman ang binagsakan ng tatlo pa nitong kapatid matapos na malason sa kinaing nilagang kamoteng kahoy sa kanilang bahay sa Sitio Lebanon sa Barangay Gli Gli, bayan ng Pikit, North Cotabato, ayon sa ulat kahapon.
Sa impormasyong nakarating kay P/Insp. Sindato Karim, hepe ng Pikit PNP, kinilala ang namatay na bata na si Mama Payag
Patuloy namang ginagamot sa pagamutan ang mag-utol na sina Halid, 12; Alibai, 10; at ang 5-anyos na si Asrafiah.
Nabatid na pasado alas-5 ng hapon nang lutuin ang kamoteng kahoy at pagsaluhan ng pamilyang Payag.
Ilang minuto ang nakalipas ay agad na nakaranas ng pagkahilo, papanakit ng tiyan at pagsusuka ang mga biktima kaya isinugod sa Cruzado Hospital sa nabanggit na bayan.
Nakaranas din ng kahalintulad na sitwasyon ang mga magulang ng mga bata subalit di-na nagpadala sa ospital. Sinasabing nabili lamang sa palengke ang kamoteng kahoy at pinagsaluhan bilang hapunan ng pamilya Payag.