MANILA, Philippines – Dalawang pulis at isang sundalo ng Philippine Marines ang napatay matapos magbarilan ang tropa ng pulis at militar kaugnay sa pagtatalo sa security operations kamakalawa ng gabi sa bisinidad ng pamilihang ng Labuan, Zamboanga City, Zamboanga del Sur.
Kabilang sa napatay ay sina PO1 Muhsin Jainul, PO3 Alkashmir Lipae, mga miyembro ng Regional Public Safety Battalion 9 at si Corporal Jason Marqueses ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 9.
Samantala, isang balut vendor ang nasugatan matapos tamaan ng ligaw na bala ng baril.
Sa phone interview, sinabi ni P/Supt. Ariel Huesca, hepe ng RPSB ng Zamboanga City PNP, naganap ang shootout ng dalawang puwersa na naatasang magpatupad ng security operations sa baybayin ng Brgy. Labuan dakong alas-7:30 ng gabi.
Nabatid na nagpapatupad ng seguridad ang mga tauhan ng MBLT 9 at ng RPSB ng Zamboanga City PNP nang biglang dumating ang dalawang miyembro ng RPSB Region 9.
Ayon kay Barangay Chairman Oning Maravilla, nagkagirian ang dalawang puwersa ng pamahalaan kaugnay ng isyu ng pagpapatupad ng security operations laban sa grupo ng kidnapping –for-ransom hanggang sa mauwi sa shootout.
Base sa tala ng pulisya, lumilitaw na may tatlong negosyante at ilang guro na ang kinidnap ng mga bandidong Abu Sayyaf Group sa nabanggit na barangay.