MANILA, Philippines – Itinumba ang pangulo ng Davao del Norte Press and Radio-TV Club (DNPRC) matapos itong pagbabarilin ng mga di-kilalang kalalakihan sa bisinidad ng Barangay Magugpo North sa Tagum City, Davao del Norte noong Martes ng gabi.
Sa police report ni P/Senior Supt. Antonio Rivera na isinumite sa Camp Crame, naganap ang pamamaslang sa biktimang si Gregorio “Greg/Loloy” Ybañez habang ito ay papasok ng kaniyang bahay sa Mirafuentes Subdivision sa Purok Santan dakong alas-10 ng gabi.
Nabatid na dumalo sa pagpupulong sa The Big 8 Hotel si Ybañez nang sundan ng mga di-kilalang kalalakihan na lulan ng kotse kung saan isa sa mga ito ang nagbukas ng bintana ng sasakyan saka pinagbabaril ang biktima.
Ayon sa bise presidente ng DNPRC na si Boy Conejos, si Ybañez ay publisher ng lokal na pahayagang Kabuhayan News Services at tumatayo ring Board of Director ng Davao del Norte Electric Cooperative (DANECO).
Si Ybañez na nagtamo ng tatlong bala ng cal. 45 pistol sa dibdib at isa sa kanang braso ay namatay sa Bishop Reagan Hospital kahapon ng umaga.
Kinumpirma rin ni Conejos na bago ang pamamaslang sa biktima ay nakatanggap ito ng death threats kung saan pinaniniwalaan ng mga kasamahan ni Ybañez na may kinalaman sa alitan sa DANECO ang pamamaslang dahil hindi naman umano birador ang lokal na pahayagan nito.
Ikalawang mamamaha-yag si Ybañez na pinaslang sa Tagum City matapos ang pagpatay sa broadcaster na si Rogelio “Tata” Butalid ng Radyo Natin noong Dis-yembre 11, 2013.
Samantala, kinondena naman ng pamunuan ng Davao del Norte Press and Radio-TV Club sa pangunguna ng kanilang bise presidente na si Conejos ang pagpatay sa kanilang pangulo na ika-28 mediamen na ang pinatay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III at ika-174 simula ng manumbalik ang demokrasya sa bansa. Dagdag ulat ni Rhoderick Beñez