MANILA, Philippines – Pito katao ang iniulat na nasugatan habang nasa 152 kabahayan, mosque at eskuwelahan ang nawasak matapos manalasa ang isang buhawi sa tatlong barangay sa bayan ng Pikit, North Cotabato kamakalawa.
Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region 12, kabilang sa mga sinalanta ay ang mga Barangays Manaulanan, Pamalian at Punol; pawang sa bayan ng Pikit.
Batay sa ulat, bandang alas- 3:00 ng hapon nang magulantang ang mga residente sa madilim na paligid sa kanilang lugar at kasunod nito ay ang pananalasa ng malakas na buhawi.
Ang mga nasugatang residente ay tinamaan ng mga nagliparang bubungan at nabaling mga sanga ng punongkahoy .
Nabatid na sa kabuuang 152 kabahayan ay nasa 150 dito na pawang gawa sa mahihinang uri ng materyales ang tuluyang nawasak at nilipad ng buhawi sa kaparangan sa nasabing lugar.
Samantala, ilang eskuwelahan din at mosque ang nawasak sa insidente kung saan nasa 100 pamilya naman ang naapektuhan ng buhawi.
Sa ulat, bagaman karaniwan na ang pamiminsala ng buhawi sa ilang lugar sa Mindanao Region ay sinabi ng mga residente na ito ang pinakamalakas sa loob ng nakalipas na ilang taon dahilan pati mga puno ng acacia at iba pa ay nabuwal.
Nagdulot rin ng pagkakabuhul-buhol ng trapiko sa ilang bahagi ng Cotabato-Davao highway ang insidente bunga ng mga nabuwal na punong kahoy.