Biyenan dedo sa manugang

SAN FRANCISCO,QUEZON, Philippines - Patay ang isang 54-anyos na magsasaka matapos na pagtulungang paluin ng dos por dos ng kanyang manugang at dalawang kapatid ng suspek sa Sitio Talisay, Barangay Pagsangahan, kamakalawa ng tanghali. Kinilala ang biktima na si Ernesto Besagar samantalang tinutugis ang mga suspek na sina Erwin Pablo at Darwin Abanto. Bandang alas-10:00 ng tanghali ay tinungo ng biktima ang bahay ng manugang na si Pablo at nakipag-inuman sa birthday party ng anak nito. Nang malasing umano si Pablo ay nagbasag ng isang bote at tinangkang saksakin ang isang nakursunadahang bisita. Tinangkang awatin ng biktima ang manugang subalit siya naman ang pinagbalingan hanggang sa pagpapapaluin siya ng dos por dos sa ulo. Sumama pa umanong manakit ang dalawang kapatid ng suspek na hindi tinukoy ang pagkakakilanlan ng isa.  Naisugod pa sa Quezon Medical Center  sa Lucena City ang biktima subalit namatay din kinalaunan. (Tony Sandoval)

Show comments