CEBU CITY, Cebu, Philippines – Umabot sa 11-mag-aaral sa Hipodromo Elementary School sa Barangay Hipodromo, Cebu City, Cebu ang nalason makaraang kumain ng rice cake at mais sa kanilang school kamakalawa. Naisugod sa Cebu City Medical Center ang mga biktimang may edad na 6 hanggang 12 kabilang na ang isang kindergarten pupil matapos makaranas ng pagsusuka, pagkahilo at pananakit ng tiyan. Nabatid na isa sa mga guro ang hindi nagpaalam sa school principal na si Romeo Lisondra na magtitinda ng rice cake at mais para sa mga mag-aaral. Gayon pa man, inako naman ng nasabing eskuwelahan ang gastusin sa ospital at gamot para sa mga biktimang mag-aaral. Samantala, tatlong mag-aaral na lamang ang binigyan ng intravenous fluid para sa dehydration habang ang iba naman ay binigyan ng pedialyte at oresol para sa rehydration. Sa kasalukuyan ay hinihintay na lamang ang resulta mula sa sangay ng Food and Drug Administration sa sinuring pagkain na nakalason sa mga mag-aaral. Freeman News Service